Umaangat, Ngunit Hindi Sapat

Pagtaas ang indikasyon ng pag-angat ngunit hindi naman ito sapat upang sabihin nating ito ay tuluyang umunlad.

May mga markang hindi lamang sinusulat sa papel. May mga numerong nagsasabi kung saan tayo umaangat at kung saan pa tayo kailangang humakbang. Sa bawat batang nakakakuha ng mas mataas na marka, may patunay na kayang umusad ng mababang  sistema—ngunit sa bawat batang naiiwan, may paalalang hindi pa tapos ang laban.

Inilabas ng  Economic Co-operation and Development o OECD ang 2025 PISA results noong Setyembre 8, kung saan tumaas ng bahagya ang performance ng mga 15-anyos na Pilipino sa science, mathematics, at reading kumpara sa nagdaang taon, 2022 at 2018. Sa science, kung titingnan, umangat ang performance ng Pilipinas ng 17 PISA points mula 2022 hanggang 2025. Gayunman, 68.4% ng Filipino students ang nanatiling low performers sa science, habang 0.2% lamang ang umabot sa Levels 5–6, ang pinakamataas na proficiency levels. 

Sang-ayon ako sa isang bagay: may pag-unlad at dapat itong kilalanin. Ngunit malinaw sa akin na may pagkukulang parin, hindi sapat na sabihin nating umangat tayo. Pagkat ang tunay na hamon ay kung gaano karaming estudyante ang nakasabay sa pag-angat na iyon. Kapalpakan parin ang pagtaas ng average kung napakarami pa ring kabataan ang hindi nakakamit ang pundamental na kasanayang kailangan upang makasabay sa mas mahirap na pag-aaral at sa buhay pagkatapos ng paaralan. Ang pag-unlad ay dapat maging simula ng mas agresibong pagkilos, hindi dahilan para makuntento sa maikling pag-taas.

Malinaw na malinaw ang agwat sa resulta. Sa science, 32% lamang ng Filipino students ang umabot sa Level 2 o mas mataas, kumpara sa 74% OECD average. Sa mathematics, 21% lamang ang umabot sa minimum proficiency, habang 31% naman sa reading. Samantala, sinabi rin ng OECD na mas mataas ang performance ng mga estudyanteng mula sa mas mataas na socioeconomic background; sa science, may 76-point gap sa pagitan ng pinakamataas at pinakamababang socioeconomic groups sa Pilipinas.  Ibig sabihin, hindi lamang average score ang dapat pagtuunan—kasama rito ang learning gaps at hindi pantay na pagkakataong matuto dahil sa antas.

Maaaring igiit ng iba na sapat nang ipagdiwang ang pag-angat dahil mas mabuti ito kaysa patuloy na pagbaba. Tama nga naman, karapat-dapat ding kilalanin ang anumang tunay na pag-unlad. Ngunit ang pagkilala sa tagumpay ay hindi nangangahulugang tapos na ang problema. Ito ay simula pa lamang na hakbang upang tuluyang palawakin ang kaalaman, kaya hindi dapat tayo makontento dahil lamang may munting pag-aangat —malayo pa ang aabutin. Kaya, kung kaya nating umangat, mas dapat nating itanong kung paano pa maaabot ang mga estudyanteng nananatiling nasa ibaba ng minimum proficiency, marapat na walang batang maiiwan. 

Samakatuwid, hindi ko minamaliit ang pag-angat ng Pilipinas sa PISA 2025—ipinagmamalaki ko itong hakbang. Ngunit ayaw kong doon magtapos ang kuwento. Dapat gamitin ang resulta bilang sandata upang palakasin ang pundamental na literacy, numeracy at scientific skills, ituon ang suporta sa mga mababang performer, at paliitin ang learning gaps sa pagitan ng may kaya at kapos. Sapagkat ang tunay na tagumpay ng edukasyon ay hindi lamang kapag tumaas ang average, ito ay kapag mas marami ang umaabot sa antas na kailangan nila upang matuto, makapag-isip, at makasabay sa hinaharap.

Naniniwala akong hindi kapos ang kabataang Pilipino—tiwala lamang at unti-unti din nating matatamasa hindi lamang ang pagtaas kundi pati narin ang pag-unlad na walang naiiwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top