“Hindi tayo babae lang. Babae tayo”
Ibinahagi ni Fire Inspector Julienne Sheen C. Fresnova ang kanyang adbokasiya sa women empowerment at ang kahalagahan ng pantay na oportunidad para sa kababaihan sa isang mini press conference na ginanap sa Dilangalen National High School (DNHS) nitong Hulyo 26, 2026.
Ipinaliwanag ni Fresnova na ang paksang ito ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng pantay na oportunidad, kundi sa pagpapatunay na kayang makipagsabayan ng kababaihan sa mga larangang matagal nang kinikilalang dominado ng kalalakihan.
Aniya, hinarap niya ang mga pagdududa sa kanyang kakayahan nang pumasok siya sa Philippine Public Safety Academy (PPSA), ngunit pinatunayan niya na kaya niyang makipagsabayan sa mahihirap na pagsasanay sa pamamagitan ng determinasyon at kahusayan.
“Sabayan natin kung anong kaya ng mga lalaki. Hindi tayo babae lang. Babae tayo,” ani Fresnova bilang panawagan sa mga kababaihang huwag hayaang maging hadlang ang kasarian sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Sinagot din ni Fresnova ang mga katanungan tungkol sa kanyang naging karanasan bilang babaeng opisyal ng Bureau of Fire Protection at ang mga hamong kanyang nalampasan sa pagbuo ng kanyang karera.
Idinagdag pa niya na ang tunay na sukatan ng kakayahan ay hindi kasarian kundi ang dedikasyon, sipag, at kahandaang patunayan ang sariling kakayahan sa anumang propesyon.
Isinagawa ang mini press conference bilang bahagi ng pagsasanay ng mga mag-aaral sa wastong pagtatanong at pakikipanayam habang natututo mula sa mga karanasan at adbokasiya ng mga propesyonal sa iba’t ibang larangan.
Fire inspector nagbahagi ng inspirasyon sa DNHS campus journalists.
Naging panauhing tagapagsalita si Fire Inspector Julienne Sheen C. Fresnova sa Dilangalen National High School (DNHS) nitong Hulyo 26, 2026, upang magbahagi ng mensaheng naglalayong magbigay-inspirasyon sa mga mamahayag at manunulat.
Idinaos ang programa sa loob ng paaralan bilang bahagi ng dalawang araw na in-house training ng campus journalists, kung saan tinalakay ni Fresnova ang kahalagahan ng disiplina, oras, at patuloy na pagsisikap sa pag-abot ng mga mithiin.
“Hindi po hadlang ang kahirapan sa ating mga pangarap,”ani Fresnova.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng inspirasyon at dedikasyon sa bawat gawain bilang mga hakbang sa pag-abot ng kaniyang mga mithiin.
“The key to balance everything is compartmentalization. You discipline yourself to do things on their own time tables” dagdag ni Fresnova.
Aniya, ang bawat hamon ang humubog sa kanya upang huwag sumuko at patuloy na mangarap.
Ang programa ay dinaluhan ng mga campus journalist, guro, at tagapayo sa pamamahayag bilang bahagi ng paghahanda ng paaralan para sa mga nalalapit na kompetisyon sa dyurnalismo.
Nagtapos ang programa sa pagbibigay ng sertipiko ng pagkilala at pasasalamat kay Fresnova, bago ipinagpatuloy ang iba pang sesyon ng in-house training.