El Niño: Magsasakang Nasa Alanganin

October 3 I @AngPagsibol

Nakapanlulumong isipin na ang paparating na matinding El Niño ay maaaring magdulot ng suliranin sa mga pangkabuhayang umaasa sa bawat patak ng ulan at suplay ng tubig. Kamakailan, Setyembre 24, sinaad ng Department of Agriculture na kinakailangan naghahanda ang pamahalaan para sa posibleng epekto ng “very strong” El Niño sa sektor ng agrikultura. Isang mabigat na hamon ang paparating na  dapat pagtuunang pansin ng ating pamahalaan. 

Nag-ugat ang pangambang ito sa inaasahang pag-init at pagkatuyo na maaaring magpababa sa suplay ng tubig para sa mga sakahan. Inaasahang magtatagal pa ito mula Septyembre hanggang Disyembre. Naghahanda na ang DA sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga sistema ng irigasyon, pagbabago sa planting strategies, crop diversification at iba pang mga hakbang nang sagayon mabawasan ang epekto ng tagtuyot. Sa Mindanao, kasama ang SOCCSKSARGEN, inaasahang magiging mas laganap ang mga tuyong araw pagsapit ng Nobyembre 2026 hanggang Enero 2027.

Hindi sapat na magpakampante lamang ang institusyon at asahan ang paghahanda kung mananatiling mabigat ang epekto sa mismong magsasaka. Batay mismo sa DA, maaari pang bumaba nang hanggang 700,000 metric tons o 3.5 porsiyento ang produksyon ng palay kung magiging matindi ang El Niño. Kapag bumaba ang ani, hindi lamang kita ng magsasaka ang maaapektuhan kundi pati na rin ang suplay at presyo ng mga pagkain. Kaya nararapat lamang na magsagawa ng agarang tugon at paghahanda  bago pa lumala ang pinsala, hindi lamang pagkatapos mawalan ng ani ang mga magsasaka, malalagay sa alanganin kung hindi ito tutukan, pagkat ang sektor ng agrikultura ang bumubuhay sa halos 19-22% ng labor force ng bansa—PSA.

Pinatutunayan lamang ng mga datos na  kailangan ng maagap na pagtugon sa posibleng epekto ng tagtuyot sa bansa. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2024, bumaba ng 2.2 porsiyento ang halaga ng produksyon ng agriculture and fisheries sa ikaapat na quarter, habang 3.1 porsiyento ang ibinaba ng crop production. Sa Davao Region naman, 90.1 porsiyento ng palay production noong 2024 ay mula sa irrigated areas, pinapakita lamang ang kahalagahan ng maasahang suplay ng tubig sa saganang produksyon ng palay.

Marahil may mga hakbang nang inilalatag ang pamahalaan upang matiyak ang kaayusan kung sakali mang dadating na ang El Niño, maaring tinitiyak nilang maprotektahan ang sektor pang agrikultura, ngunit kailangang tiyaking hindi ito nauuwi sa plano't salita lamang ang paghahanda. Pagkat ang mga pondo, irigasyon, binhi, crop diversification at iba pang suporta ay kailangang makarating sa mga magsasaka sa tamang panahon upang may kakayahan silang makapaghanda bago pa man sumidhi ang tagtuyot. 

Mahalaga ang maagap at aktibong suporta dahil ang magsasaka ang unang sumasalo  sa mga posibleng epekto ng kakulangan sa tubig at pagkasira ng ani. Kapag hindi sila nakapagtanim o nakapag-ani nang sapat, domino ang epekto nito sa suplay ng pagkain at presyo sa pamilihan, marami ang maaapektuhan. Malinaw na ipinapakita lamang nito na ang paghahanda laban sa El Niño ay hindi dapat nakatuon lamang sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain, kundi ang direktang pagprotekta sa mga magsasakang gumagawa nito.

Kaya, utang na loob sa mga institusyong pang agrikultura, kailangang tiyakin ang mas maagap, konkreto at makatarungan ang suporta sa mga mag-aani bago pa tuluyang lumala ang tagtuyot. Dapat palakasin ang daloy ng irigasyon, tiyaking mabilis ang pagdating ng tulong at suportahan ang mga pananim na mas angkop sa tuyong kondisyon, kasabay ng patuloy na pagmamanman sa lagay ng panahon. Upang tuluyang matapos ang usaping ito, ang kaayusan ng bayan ay nakikita sa isang progresibong pamayanan. Laging tandaan, kapag pinoprotektahan ang magsasaka, pinoprotektahan din ang pagkain, kabuhayan at seguridad ng buong bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top