Nakakapanlumo na patuloy na nananatiling isa sa pinakamabigat na suliranin ng Pilipinas ang kahirapan. Sa bawat pagsikat ng araw, may mga pamilyang ang unang iniisip ay hindi kung paano uunlad, kundi kung paano makakaraos hanggang sa susunod na pagkain. Nitong Hulyo 16, 2026, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng pinalawak na UPLIFT Assistance Program, kung saan makatatanggap ng one-time cash assistance na hanggang ₱2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program. Isang hakbang itong ikinatuwa ng marami, ngunit sapat na nga ba ito upang mabago ang kinabukasan ng milyun-milyong Pilipino?
Hindi maikakaila na may mga batas na naglalayong tugunan ang suliraning ito. Sa ilalim ng Republic Act No. 11310 o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, layunin ng pamahalaan na putulin ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng tulong-pinansyal kapalit ng pagpapaaral at pangangalagang pangkalusugan ng mga anak ng benepisyaryo. Dagdag pa rito, kinikilala ng Republic Act No. 11291 o Magna Carta of the Poor ang karapatan ng bawat mahirap na Pilipino sa sapat na pagkain, disenteng trabaho, kalidad na edukasyon, maayos na pabahay, at serbisyong pangkalusugan. Gayunpaman, hindi magiging ganap ang mga layuning ito kung mananatiling panandalian lamang ang mga programang ipinatutupad at hindi matutugunan ang ugat ng kahirapan.
Hindi makatarungan na mas malalim ang sanhi ng kahirapan kaysa sa kakulangan ng kita. Patuloy pa ring umiiral ang kawalan ng disenteng trabaho, mababang sahod, hindi pantay na akses sa kalidad na edukasyon, at limitadong serbisyong pangkalusugan. Kasabay pa nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na lalong nagpapabigat sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 15.5% ang poverty incidence noong 2023, katumbas ng humigit-kumulang 17.5 milyong Pilipino na nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold. Kung gayon, malinaw na ang kahirapan ay hindi nalulutas sa isang beses na ayuda.
Batid nating hindi nasusukat ang tunay na kaunlaran sa dami ng mga gusali, tulay, at lansangang naitatayo. Mas makabuluhan itong masukat sa dami ng mga pamilyang nakaahon sa kahirapan, mga kabataang nakapagtapos ng pag-aaral, at mga manggagawang may marangal at sapat na hanapbuhay. Kaakibat nito ang United Nations Sustainable Development Goal 1 (Walang Kahirapan) layunin nitong wakasan ang kahirapan sa lahat ng anyo pagsapit ng 2030. Subalit magiging mailap ang layuning ito kung mananatiling nakatuon lamang ang pamahalaan sa panandaliang ayuda kaysa sa pangmatagalang reporma ng sistema. Hindi dapat ipagmalaki ang pagbabago o pag-unlad kung milyong-milyong Pilipino ang patuloy na maghihirap.
Maaring sabihin ng ilan na ang kahirapan ay bunga lamang ng katamaran. Ngunit paano magiging tamad ang magsasakang buong araw na nakabilad sa araw ngunit nananatiling baon sa utang? Paano magiging tamad ang manggagawang halos walang pahinga ngunit hindi pa rin sapat ang kinikita upang tustusan ang pagkain, upa, at edukasyon ng kanilang pamilya? Ang tunay na problema ay hindi kakulangan sa sipag kundi kakulangan sa patas na oportunidad at epektibong sistemang magbibigay ng pagkakataong makaahon ang bawat Pilipino.
Panahon na upang ituon ang pansin sa mga pangmatagalang solusyon. Kailangang paigtingin ang paglikha ng disenteng trabaho, suportahan ang mga magsasaka at maliliit na negosyante, paghusayin ang kalidad ng edukasyon, at tiyaking may pananagutan ang bawat programang inilulunsad laban sa kahirapan. Ang isang beses na ayuda ay maaaring pansamantalang magpagaan ng buhay, ngunit hindi nito kayang baguhin ang kinabukasan ng isang pamilya. Ang bawat pisong nagmumula sa buwis ng mamamayan ay dapat magbunga ng tunay at pangmatagalang pagbabago.
Ang kahirapan ay hindi kapalaran ng Pilipino. Isa itong suliraning maaaring malutas kung may tapat na pamamahala, matalinong mga polisiya, at sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan. Hangga’t may mga pamilyang nagugutom at mga kabataang napipilitang isantabi ang kanilang mga pangarap dahil sa kakapusan, hindi pa ganap ang kaunlaran. Kaya laging tandaan, ang laban sa kahirapan ay hindi lamang tungkulin ng mga mahihirap—ito ay pananagutan ng buong lipunan.