Tinta ng Katotohanan
October 3 I @AngPagsibol
“Writing is not about how you feel, it’s about helping.”
Kasinglinaw ng batis ang panulat ng isang mamamahayag, umaagos hindi lamang upang magpahayag, kundi maghatid ng liwanag sa mga bagay na kailangang makita.
Hindi lamang tinta ang dumadaloy sa panulat ng mamamahayag.
Sa bawat salitang inilalathala, may impormasyong maaaring gumabay, magmulat, at magbigay-boses sa mga taong hindi naririnig.
Ngunit sa mundong puno ng maling impormasyon, pananakot, at panggigipit, ang pagsusulat ay hindi lamang usapin ng kalayaan. Ito rin ay usapin ng proteksiyong dapat tiyakin sa mga taong naghahanap at naghahatid ng katotohanan.
Sa Pilipinas, nananatiling mahalagang usapin ang kaligtasan ng mga mamamahayag. Sa 2026 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF), nasa ika-114 sa 180 bansa ang Pilipinas, mula sa ika-116 noong 2025. Ayon din sa RSF, nananatiling mapanganib na lugar ang bansa para sa mga mamamahayag.
Hindi lamang ito problema ng mga mamamahayag. Kapag nanganganib ang nagsusulat, nanganganib ding lumiit ang espasyo para sa impormasyong kailangan ng publiko.
Ayon sa United Nations, noong 2024, hindi bababa sa 502 human rights defenders, journalists, at trade unionists ang napatay sa 44 na bansa, habang 123 sapilitang pagkawala ang naitala sa 37 bansa. Sa parehong taon, 82 mamamahayag ang napatay, at mahigit 60 porsiyento ng mga ito ay naganap sa mga conflict zone.
Dito pumapasok ang Sustainable Development Goal 16: Peace, Justice and Strong Institutions (SDG 16) na naglalayong tiyakin ang pampublikong access sa impormasyon at protektahan ang mga pangunahing kalayaan. Kasama sa opisyal na indikador nito ang bilang ng mga kaso ng pagpatay, kidnapping, sapilitang pagkawala, arbitrary detention, at torture laban sa mga mamamahayag, media personnel, trade unionists, at human rights defenders.
Ang proteksiyon sa pamamahayag ay hindi lamang proteksiyon sa isang propesyon. Ito ay proteksiyon sa karapatan ng publiko na malaman kung ano ang nangyayari. Sapagkat kung ang takot ang magiging tinta ng mamamahayag, maaaring ang katotohanan ang unang mabura.
“In a certain event hindi lang naman talaga isang story lang yung totoo” isang paalala mula kay Albert na suriin ng mabuti ang bawat artikulo naiyong ilalathala upang hindi ito magdala ng kapahamakan.
Kaya ang panulat ay kailangang manatiling malaya, ngunit ang kalayaang ito ay dapat sabayan ng pananagutan at seguridad. Sa isang lipunang nais maging payapa, makatarungan, at may pananagutan, hindi dapat maging kapalit ng katotohanan ang kaligtasan ng taong nagsusulat nito.
Dahil ang tunay na layunin ng pagsusulat ay hindi lamang sabihin kung ano ang nararamdaman, kundi gamitin ang salita upang makatulong.