“Bisaya…?”
Pabirong sambit ng isang binata. Ngunit sa likod ng simpleng salitang iyon ay nakatago ang isang mapait na katotohanan, sa mata ng iilan, kapag galing ka sa Mindanao, tila mas maliit ang iyong halaga.
Sa mundong puno ng panghuhusga, tumindig si Julienne Sheen C. Fresnova, isang babaeng nangarap maging bombero at hindi nagpadaig sa diskriminasyon.
Lumaki si Fresnova na dala ang pangarap na tahakin ang isang propesyong matagal nang kinikilalang dominado ng kalalakihan ang— pagiging bombero.
Ngunit bago pa man niya mapatunayan ang kaniyang kakayahan, kinailangan muna niyang harapin ang mga mapanghusgang tingin.
“They judge me because of my Bisaya roots.”
Isang pahayag na hindi lamang nagsasalaysay ng kaniyang karanasan, kundi ng karanasang dinaranas ng marami pang taga-Mindanao na hinuhusgahan dahil lamang sa kanilang pinagmulan. Hindi niya hinayaang ang mga panghuhusga ang magsulat ng kaniyang kinabukasan.
Sa halip, ginawa niya itong gatong upang lalo pang magsikap.
Si Julienne ay nagtapos sa Dilangalen National High School at kalaunan ay kumuha ng kursong bachelor of science in fire protection BSFPA Program sa Philippine Public Safety Academy (PPSA), Pagdating niya roon agad-agad siyang nakatanggap ng pangmamaliit mula sa kanyang kasamahan.
Kapag ang isang tao ay hinuhusgahan dahil lamang sa kaniyang lengguwahe o pinagmulan, hindi siya ang tunay na nababawasan, kundi ang pananaw ng mga taong tumitingin sa kaniya.
Sapagkat ang tunay na pagkatao ay hindi nasusukat sa punto ng pananalita, kundi sa lalim ng paninindigan.
At marahil ang mas mahalagang tanong ay hindi kung taga-saan ang isang tao, kundi kung hanggang saan siya kayang dalhin ng kaniyang pangarap.
“Bisaya…?”
Marahil para sa iba, isa lamang itong salita.
Ngunit para sa mga tulad ni Julienne, isa itong paalala ng mga paghamak na kailangan niyang lampasan. At sa bawat tagumpay na kaniyang naaabot, unti-unti ring nasusunog ang lumang paniniwalang may rehiyong mas mataas kaysa sa iba. Ngayon Isang ganap na bombero na si Julienne, isang hinahangaan at tinitingala ng mga kabataan.
Ang pinagmulan ay hindi kailanman naging sukatan ng halaga ng isang tunay na sukatan ay ang tapang na tumindig, ang sipag na magsikap, at ang paninindigang patuloy na lumalaban sa kabila ng lahat.