Bakanteng Pisara
October 3 I @AngPagsibol
May mga upuang walang nakaupo, at may mga gurong handang umupo ngunit kulang ang upuan.
Sa pagitan ng mga bakanteng puwesto at mga gurong naghihintay ng pagkakataon, umaalingawngaw ang hinaing ng mga mamamayan.
Kailan ulit masusulatan ang pisara?
Isa sa mga mukha ng hinaing na ito si Albert Ryan Eliseo, isang baguhang guro sa Dilangalen National High School na nagtapos ng Bachelor of Science Major in Biology. Sa kabila ng pagiging bago sa propesyon, kabilang siya sa mga kwalipikadong nakapasok sa pampublikong paaralan, tangan ang kaalaman, pangarap, at pag-asang maging ilaw sa landas ng mga mag-aaral.
Ngunit hindi lahat ng nais magturo ay agad nakararating sa pisara.
Tinatayang 20,000 posisyon para sa mga guro ang nananatiling bakante sa Pilipinas, kahit may mga kwalipikadong aplikanteng naghihintay ng pagkakataong makapagturo. Habang ang ilan ay nakatingin sa bakanteng posisyon, ang mga gurong nasa serbisyo naman ay patuloy na pasan ang bigat ng masisikip na silid-aralan, mabibigat na gawain, at dumaraming responsibilidad.
Hindi lamang bakanteng posisyon ang iniiwan ng kakulangan sa guro, kundi pati puwang sa pagtuturo na kailangang punan ng mga gurong naroroon.
Sa ganitong kalagayan, hindi maiwasang magtanong kung bakit may mga gurong naghihintay ng pagkakataon habang may mga paaralang patuloy na nangangailangan ng dagdag na kamay.
“Hindi lang siya problem ng education kundi systematic problem siya” ani ni Eliseo
Ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na mahirap punan ang ilang espesyalisadong posisyon dahil kulang ang mga aplikanteng may angkop na kwalipikasyon. Bagama’t ₱976 bilyon ang nakalaang pondo para sa DepEd sa 2027, kabilang ang mahigit ₱31 bilyon para sa mga guro, nananatiling hamon ang pagtiyak na ang mga pondong ito ay tunay na nagiging dagdag na puwersa sa loob ng silid-aralan.
Sa gitna nito, kinuwestiyon naman ni Eliseo kung saan itatalaga ang mga gurong naghihintay ng trabaho kung nananatili rin namang kulang ang mga paaralan sa bansa.
Ayon sa ulat ng Philippine Star, tinatayang nasa pagitan ng 143,543 hanggang 165,443 silid-aralan ang kulang sa buong Pilipinas.
Mas malalim pa sa bilang ng mga bakante ang ugat ng suliranin.
Ayon kay Eliseo, may ilang nagtapos ng edukasyon na pinipiling magtrabaho sa ibang bansa o lumipat sa ibang industriya dahil sa mas kompetitibong sahod at mas kaunting responsibilidad na administratibo. Hindi lamang oportunidad sa pagtuturo ang kanilang hinahanap, kundi isang kalagayang magbibigay-halaga rin sa kanilang oras, kakayahan, at propesyon.
“Marami tayong magagaling at talented na teacher, ang kulang lang ay ‘yung opputunidad” dagdag ni Albert
Sa kabilang banda, ang mga gurong nananatili sa pampublikong paaralan ay patuloy na humaharap sa mabigat na tungkulin, kahit ang panimulang buwanang sahod ay ₱31,705 lamang. Sa bawat araw na lumilipas, hindi lamang aralin ang kanilang inihahanda, kundi pati ang sarili upang kayanin ang mga hamong kaakibat ng pagiging guro.
Kaya nananatiling mahalaga ang panawagan sapagkat ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pisara, libro, o silid-aralan, ito ay tulay patungo sa kinabukasan.