Dagdag Pamasahe, Dagdag Pahirap
Kapag tumaas ang pamasahe, hindi naman kusang tumataas ang baon. Para sa isang estudyante o manggagawang araw-araw bumibiyahe upang mag trabaho, ang tig-iisang pisong dagdag ay maaaring maliit sa paningin ng iba, ngunit kapag paulit-ulit na kinakaltas sa bawat sakay, unti-unti rin nitong kinakain ang perang para sana sa pagkain, baon, at iba pang pangangailangan.
Dito muling sumiklab ang usapin sa pamasahe. Noong Setyembre 28, ipinatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong Public Utility Vehicle (PUV) fares, kung saan tumaas mula ₱13 tungo sa ₱14 ang minimum fare ng tradisyonal jeepney para sa unang apat na kilometro. Samantala, Setyembre 29, nagsagawa naman ng transport strike ang PISTON dahil sa patuloy na pagtaas ng na presyo ng langis at panawagan para sa mas mababang fuel prices at dagdag na fare adjustment.
Mas lalo akong nababahala dahil ang komyuter ang paulit-ulit na dinidiin at ginagawang tagasalo sa problema ng transportasyon, kung tutuusin, hindi din naman tumataas ang sahod nila at mas tumaas pa ang gastusin sa pang-araw-araw. Naiintindihan ko ang hinaing ng mga tsuper, dahil sila rin naman ay naghahanapbuhay lamang na direktang tinatamaan ng presyo ng diesel. Malinaw sa akin na hindi sapat na itaas lamang ang pamasahe sa tuwing tumataas ang gastusin. Hindi nagiging tama kung ang pang araw-araw na budget ng mga manggagawa o baon ng estudyante ay sapat na lamang sa pamasahe. Kapag bawat dagdag-gastos ay ipinapasa sa pasahero, ang biyahe patungo sa trabaho at paaralan ay nagiging dagdag na pasaning kailangang pagtiisan.
May dahilan kung bakit iginiit ng pamahalaan ang fare adjustment, ayon mismo sa LTFRB, kailangang isaalang-alang ang kakayahan ng mga driver at operator na magkaroon ng sapat na kita upang mapanatili ang serbisyo, dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng langis—matapos ang tatlong magkakasunod na linggo ng pagtaas, iniulat ng Department of Energy on(DOE) na nakatakdang bumaba ang diesel ng ₱7.57 kada litro noong Setyembre 29. Ipinapakita nito na hindi lamang pamasahe ang dapat pagtuunan, pati narin sa mga gastusing pangkabuhayan.
Sabihin na nating, makatarungan naman talaga ang dagdag-pasahe dahil kailangan ding mabuhay ng mga tsuper at operator. Oo, karapat-dapat silang kumita nang sapat. Ngunit hindi rin makatarungang ipagtapat sa commuter at tsuper ang problemang sabay nilang pinapasan. Ang driver ay naghahanap ng sapat na kita, gayundin din naman ang komyuter—kinakain ng pamasahe ang malaking bahagi ng kanilang budget. Kaya hindi simpleng magdagdag ng pamasahe, pagkat kung may makabenepisyo, may madadawit din—commuter.
Tatayo akong hindi kontento sa serbisyo ng pamahalaan, kailangang hanapan ng solusyon ang ugat ng mga suliraning kinakaharap ng bawat mamamayan. Dapat seryosong suriin ang mga polisiya sa fuel taxes, palawakin ang suporta sa mga tsuper at operator, at tiyaking ang anumang fare adjustment ay may malinaw na batayan at isinasaalang-alang ang kakayahan ng ordinaryong commuter. May karapatan ang tsuper sa makatarungang kita, ngunit may karapatan din naman ang pasahero sa pampublikong transportasyong kaya niyang bayaran.
Tayo-tayo lang din ang naaapektuhan, kaya tayo-tayo lang din ang magtutulungan.