Mga mag-aaral, hinikayat ni Eliseo na lampasan ang PISA standard
October 3 I @AngPagsibol
Hinimok ni Albert Ryan G. Eliseo, isang guro at topnotcher sa Licensure Examination for Teachers (LET), ang mga mag-aaral na huwag makuntento sa pagtaas ng performance ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025 at sa halip ay pagsikapang malampasan ang kasalukuyang pamantayan.
Ayon kay Eliseo, positibo ang pagtaas ng resulta ng Pilipinas kumpara sa mga nakaraang assessment, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang makuntento sa minimum na antas ng kasanayan.
“Very optimistic ang result ng PISA dahil tumataas siya compared to previous results. However, we should always strive for excellence,” saad pa ng guro.
Binigyang-diin niya na dapat higit pang paunlarin ang kakayahan ng mga mag-aaral upang hindi lamang maabot ang itinakdang pamantayan kundi magkaroon din ng pagkakataong mapataas ang performance ng bansa sa mga susunod na PISA assessment.
Samantala, sinabi ni Eliseo na hindi lamang kaalaman sa Agham, Matematika at English Literacy ang dapat malinang sa mga mag-aaral, kundi pati higher-order thinking skills tulad ng critical analysis at evaluation.
Dagdag pa niya, makatutulong ang mga kasanayang ito upang masuri ng mga kabataan ang impormasyon at maunawaan ang mga nangyayari sa kanilang paligid, lalo na sa paggawa ng mahahalagang desisyon.
“Hindi sila madaling lokohin, especially if it comes to choosing the right leaders, because they are the one who is deciding the future,” pagpapaliwanag ni Eliseo.
Patuloy na ginagampanan ng mga guro ang kanilang tungkulin sa kabila ng mga pagkakataong hindi napapahalagahan ang kanilang pagsisikap, dahil layunin nilang hubugin ang mga mag-aaral para sa kanilang kinabukasan at sa mas malawak na pag-unlad ng bansa.